Ang mga pagbasa mula sa Kasulatan na itinalaga para sa Misa ngayong araw.
12“Hindi ba mula ka sa walang hanggan, Yahweh na aking Diyos, ang aking Banal? Hindi kami mamamatay. Itinalaga sila ni Yahweh para sa paghatol, at ikaw na Bato ang nagtatag sa kanila para sa pagtutuwid!
13Ang iyong mga mata ay napakadalisay upang tumitig sa kasamaan, at hindi mo kayang tumingin sa maling gawain nang may pagsang-ayon; ngunit bakit ka tumingin nang may pagsang-ayon sa mga nagkakanulo? Bakit ka tahimik habang nilulunok ng mga taong masama ang mga higit na matuwid kaysa sa kanila?
14Ginawa mong gaya ng mga isda sa dagat ang mga tao, gaya ng mga bagay na gumagapang na walang namumuno sa kanila.
15Inangat silang lahat sa pamamagitan ng pamingwit, kinakaladkad nila palayo ang mga tao gamit ang mga lambat at iniipon sila sa kanilang lambat. Ito ang dahilan kaya sila ay nagagalak at sumisigaw nang masayang-masaya!
16Kaya sila ay naghahandog sa kanilang lambat at nagsusunog ng insenso sa kanilang lambat, sapagkat ang mga pinatabang hayop ang kanilang bahagi, at ang matatabang karne ang kanilang pagkain!
17Kaya aalisin ba nila ang lahat ng laman ng kanilang lambat at ipagpapatuloy na patayin ang mga bansa, nang walang pagkahabag?”
1Tatayo ako sa aking bantayan at ipupuwesto ang aking sarili sa toreng bantayan, at magbabantay ako nang mabuti upang malaman kung ano ang sasabihin niya sa akin at kung paano ako dapat tumalikod mula sa aking daing.
2Sumagot si Yahweh sa akin at sinabi, “Itala mo ang pangitaing ito at isulat mo nang malinaw sa mga tapyas ng bato upang ang bumabasa sa mga ito ay makatakbo!
3Sapagkat ang pangitain ay sa panahong hinaharap pa at sa wakas ay magsasalita at hindi mabibigo. Kahit na ito ay maaantala, hintayin mo ito! Sapagkat ito ay tiyak na darating at hindi magtatagal!
4Tingnan ninyo! Ang tao na siyang naghahangad nang higit para sa kaniyang sarili nang hindi matuwid, ay isang hambog. Ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya!
8Hinahatulan niya ang mundo ng pantay. Gumagawa siya ng makatarungang mga pasya para sa mga bansa.
9Magiging matibay na tanggulan din si Yahweh para sa mga inaapi, isang matibay na tanggulan sa panahon ng kaguluhan.
10Nagtitiwala ang nakakakilala ng pangalan mo, dahil ikaw, Yahweh, ay hindi nang-iiwan ng mga lumalalapit sa iyo.
11Umawit ng mga papuri kay Yahweh, ang namumuno sa Sion; sabihin sa lahat ng bansa ang kaniyang ginawa.
12Dahil ang Diyos na naghihiganti sa pagdanak ng dugo ay nakaaalala; hindi niya nakalilimutan ang daing ng mga inaapi.
13Maawa ka sa akin, Yahweh; tingnan mo kung paano ako inaapi ng mga kinamumuhian ako, ikaw na kayang agawin ako mula sa mga tarangkahan ng kamatayan.
14Pagbalik nila sa kinaroroonan ng mga tao, lumapit ang isang tao at lumuhod sa kaniyang harapan, at sinabi,
15“Panginoon, mahabag kayo sa aking anak na lalaki, sapagkat siya ay may epilepsiya at lubhang nahihirapan. Sapagkat madalas siyang nahuhulog sa apoy o sa tubig.
16Dinala ko siya sa inyong mga alagad, ngunit hindi nila siya mapagaling.
17Sumagot si Jesus at sinabi, “Kayong salinlahi na walang pananampalataya at mga baluktot, hanggang kailan ba ako mananatili kasama ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya sa akin.”
18Sinaway siya ni Jesus at umalis ang demonyo sa kaniya. Gumaling ang bata sa oras ding iyon.
19Pagkatapos nito sarilinang lumapit kay Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi, “Bakit hindi namin ito mapalayas?”
20Sinabi ni Jesus sa kanila, “Dahil maliit ang inyong pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinliit ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, 'Lumipat ka roon,' at lilipat nga ito at walang magiging imposible sa inyo.