Ang mga pagbasa mula sa Kasulatan na itinalaga para sa Misa ngayong araw.
9Habang nakatingin ako, inihanda ang mga trono sa lugar nito at naupo sa kaniyang upuan ang Sinaunang mga Araw. Kasing puti ng niyebe ang kaniyang damit at ang buhok sa kaniyang ulo ay tulad ng balahibo ng tupa. Nagliliyab na apoy ang kaniyang trono at nagliliyab na apoy ang mga gulong nito.
10Isang ilog na apoy ang umaagos palabas sa kaniyang harapan, milyon-milyon ang naglilingkod sa kaniya, at isang daang milyon ang nakatayo sa kaniyang harapan. Nasa pagpupulong ang hukuman at nabuksan ang mga libro.
13Sa aking pangitain nang gabing iyon, nakita ko ang isang dumarating kasabay ang mga ulap ng langit tulad ng isang anak ng tao. Lumapit siya sa Sinaunang mga Araw at iniharap siya sa kaniya.
14Ibinigay sa kaniya ang karapatan upang mamuno, ang kaluwalhatian at ang makaharing kapangyarihan upang ang lahat ng mga tao, mga bansa, at mga wika ay dapat maglingkod sa kaniya. Walang hanggan ang kaniyang karapatang mamuno na hindi lilipas at hindi kailanman mawawasak ang kaniyang kaharian.
1Naghahari si Yahweh; hayaang magalak ang daigdig; hayaang matuwa ang maraming kapuluan.
2Pumapalibot sa kanya ang mga ulap at kadiliman. Katuwiran at katarungan ang saligan ng kanyang trono.
5Ang mga bundok ay natutunaw gaya ng kandila sa harapan ni Yahweh, ang Panginoon ng buong daigdig.
6Ipinapahayag ng kalangitan ang kanyang katarungan, at nakikita ng lahat ng mga bansa ang kanyang kaluwalhatian.
9Dahil ikaw, Yahweh, ay kataas-taasan sa buong daigdig. Ikaw ay dinadakila higit sa lahat ng mga diyos.
16Sapagkat hindi namin sinundan ang mga katalinuhang lumikha ng mga kathang-isip noong sinabi namin sa inyo ang patungkol sa kapangyarihan at pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ngunit kami ang mga naging saksi sa kaniyang kadakilaan.
17Natanggap niya mula sa Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian noong may isang tinig ang dumating sa kaniya mula sa Dakilang Kaluwalhatian na nagsasabing, “Ito ang aking Anak, ang Kaisa-isa kong minamahal, sa kaniya ay lubos akong nalulugod.”
18Narinig namin itong tinig na nagmula sa langit habang kami ay kasama niya sa banal na bundok.
19Nasa amin ang mga salitang ipinahayag ng mga propeta at ito ay lalong tiyak, ito ay mabuting pag-ukulan ninyo ng pansin. Ito ay tulad ng isang lampara na nagliliwanag sa madilim na lugar hanggang dumating ang umaga at ang mga bituin sa umaga ay sisikat sa inyong mga puso.
1Makalipas ang anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at si Juan na kaniyang kapatid at sila ay dinala niya sa isang mataas na bundok nang sila lang.
2Siya ay nagbagong anyo sa kanilang harapan. Ang kaniyang mukha ay nagliwanag na katulad ng araw, at ang kaniyang mga damit ay naging puting-puti katulad ng liwanag.
3Masdan ito, nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kaniya.
4Nagsalita si Pedro at sinabi kay Jesus, “Panginoon, mabuti na kami ay narito. Kung nais ninyo, gagawa ako dito ng tatlong pagsisilungan—isa para sa inyo, at isa para kay Moises, at isa para kay Elias.”
5Habang siya ay nagsasalita pa, masdan ito, isang nakakasilaw na ulap ang lumilim sa kanila, at masdan ito, may isang tinig na mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Makinig kayo sa kaniya.”
6Nang marinig ito ng mga alagad, sila ay nagpatirapa at lubhang natakot.
7Pagkatapos, lumapit si Jesus at sila ay hinawakan at sinabi, “Tumayo kayo at huwag kayong matakot.”
8At sila ay tumingala ngunit walang ibang nakita maliban kay Jesus lamang.
9Nang pababa na sila sa bundok, inutos ni Jesus sa kanila, na nagsasabi, “Huwag ninyong ipagsabi sa sinuman ang pangitaing ito hanggang ang Anak ng Tao ay muling ibangon mula sa mga patay.”