Ang mga pagbasa mula sa Kasulatan na itinalaga para sa Misa ngayong araw.
1Aba sa mga nagbabalak ng kasamaan, sa mga nagbabalak sa kanilang higaan na gumawa ng masama. Isinasagawa nila ito sa pagliwanag ng umaga dahil mayroon silang kapangyarihan.
2Naghahangad sila ng mga bukid at inaangkin ang mga ito; naghahangad sila ng mga bahay at kinukuha ang mga ito. Inaapi nila ang isang tao at ang kaniyang sambahayan, ang tao at ang kaniyang mana.
3Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh: “Tingnan ninyo, magdadala ako ng sakuna laban sa angkan na ito, kung saan hindi ninyo maiaalis ang inyong mga leeg. Hindi kayo makakalakad nang may kayabangan, sapagkat magiging isang panahon ito ng kasamaan.
4Sa araw na iyon, ang inyong mga kaaway ay aawit ng isang awitin tungkol sa inyo at mananaghoy na may kasamang pagtangis. Aawit sila ng, 'Kaming mga Israelita ay ganap na nawasak, binabago ni Yahweh ang teritoryo ng aking mga (kababayan) tao. Paano niya ito aalisin mula sa akin? Ibinabahagi niya sa mga taksil ang aming mga bukid!'”
5Kaya, kayong mga mayayamang tao ay hindi magkakaroon ng mga kaapu-apuhan na maghahati-hati ng lupain sa teritoryo sa kapulungan ni Yahweh.
1Yahweh, bakit ka nakatayo sa malayo? Bakit tinatago mo ang iyong sarili sa oras ng kaguluhan?
2Dahil sa kanilang kayabangan, hinahabol ng masasamang tao ang mga api; pero pakiusap hayaan mong mahuli ang mga masasama sa ginawa nilang sariling mga balakin.
3Dahil ipinagyayabang ng masasamang tao ang kaniyang pinakamalalim na mga hangarin; pinagpapala niya ang sakim at iniinsulto si Yahweh.
4Ang masasamang tao ay nakataas-noo; hindi niya hinahanap ang Diyos. Hindi niya kailanman iniisip ang tungkol sa Diyos dahil siya ay wala talagang pakialam sa kaniya.
7Ang kaniyang bibig ay puno ng pagsusumpa at mapanlinlang, mapaminsalang mga salita; ang kaniyang dila ay nakasasakit at nakasisira.
8Siya ay naghihintay sa pagtambang malapit sa mga nayon; sa lihim na mga lugar niya pinapatay ang inosente; ang kaniyang mga mata ay naghahanap ng ilang biktimang walang laban.
14Binigyang pansin mo, dahil lagi mong nakikita ang gumagawa ng paghihirap at kalungkutan. Pinagkakatiwala ng ulila ang kaniyang sarili sa iyo; inililigtas mo ang mga walang ama.
14Ngunit lumabas ang mga Pariseo at nagsabwatan laban sa kaniya. Naghahanap sila ng paraan kung paano siya maipapatay.
15Nang mapansin ito ni Jesus, lumayo siya doon. Maraming tao ang sumunod sa kaniya, at pinagaling niya silang lahat.
16Sila ay pinagbilinan niya na huwag ipapaalam sa iba ang tungkol sa kaniya,
17ito ay upang magkatotoo ang sinabi sa pamamagitan ni Isaias na propeta, na nagsasabi,
18“Tingnan ninyo, ang aking lingkod na aking pinili; ang aking pinakamamahal, na siyang lubos na kinalulugdan ng aking kaluluwa. Ilalagay ko sa kaniya ang aking Espiritu, at ihahayag niya ang paghuhukom sa mga Gentil.
19Hindi siya magpupumilit o makikipagsigawan ng malakas, ni walang sinumang makaririnig ng kaniyang tinig sa mga lansangan.
20Hindi niya babaliin ang anumang tambong marupok; hindi rin niya papatayin ang kahit na anong umuusok na pabilo, hanggang maipadala niya ang paghuhukom sa katagumpayan.
21At ang mga Gentil ay magkakaroon ng pananalig sa kaniyang pangalan.”